Huwebes, Agosto 10, 2017
Ang listahan ng narco-politicians ni Pangulong Duterte
Isang taong na ang nakalilipas mula nang pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isangdaan at limampu’t siyam na opisyal ng gobyerno kabilang na ang ilang huwes, opisyal ng PNP at AFP, mga alkalde at bise alkalde na diumano’y sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga. Mula noong 2016, tatlong alkaldeng itinuturong sangkot sa droga ang napatay.
October 28, 2016, napatay si Datu Saudi Ampatuan Mayor Samsudin Dimaukom matapos umano nilang makaengkwentro ang PNP-Anti Illegal Drugs Group sa Makilala, North Cotabato. Ilang araw lang matapos ito, November 5, 2016, napatay naman si Albuera Mayor Rolando Espinosa sa loob mismo ng kanyang selda sa Leyte Sub-Provincial Jail. Nanlaban umano siya habang hinahainan ng search warrant ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Region 8.
Nito lamang nakaraang July 30, 2017, napatay sa isang raid sa loob mismo ng kanilang bahay si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. kasama ang kanyang asawa at labing-apat na iba pa. Pero ayon sa kanyang mga kaanak, rub-out ang nangyari sa mga Parojinog. Giit naman ng Ozamiz City Police, isang engkwentro ang naganap. Naka-detain naman ngayon sa Camp Crame ang magkapatid na Vice Mayor Nova Princess Parojinog at Reynaldo Parojinog Jr.
Pero bago pa man mapasok sa pulitika, unang nakilala ang pangalang Parojinog nang pamunuan ni Octavio Parojinog Sr, ama ng napatay na alkalde, ang Kuratong Baleleng, isang anti-communist vigilante group na binuo noong dekada otsenta. Layunin nitong hulihin ang mga rebelde noon. Pero mula sa pagiging vigilante group, nasangkot ang Kuratong Baleleng sa bank robbery at kidnapping.
Bukod sa mga tinaguriang narco-politician, July 2016 nang pangalanan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga diumano’y malalaking taong sangkot sa ilegal na droga. Kabilang sa mga tinukoy sina Peter Co at Herbert Colanggo na parehong nakakulong sa Bilibid at si Peter Lim, isang negosyante mula sa Cebu.
Huwag palalampasin ang “DRUG LIST” ngayong August 10, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento